
Kung ipinakita ni Lourd de Veyra kung paano gumawa ng isang indie film… Dito naman sa Nichijou, ipapakita naman nila kung paano gumawa ng isang BL (Boy’s Love) manga.

Para maipasa sa takdang oras, tinawagan ni Mio sina Yuuko, Mai at maging si Nano na tulungan siyang matapos ang natitirang pahina ng kanyang susunod na BL Manga.

Hindi pa man nagsisimula ay bumigay na agad itong si Nano matapos makita ang ilang samples. Dahil dito, napagdesisyunan niyang magpahangin sa labas para mapakalma ang sarili matapos niya iyon makita.
Sinumulan na nilang gawin ang naturang manga. Subalit sumablay na naman itong si Yuuko matapos matabig niya ang lalagyan ng tinta at tumapon pa iyon mismo sa pahinang kanyang tinatapos. Agad naman iyon pinahiran ng tissue upang maalis ang tinta sa papel, subalit nabura ang mukha ng isang character ng naturang pahina.

Habang nagpa-panic si Yuuko ay nagwawala naman itong si Mio nang dahil sa mga kapalpakan ni Mai. Gaya na lamang ng maling pagguhit ng background images at pagbura sa mismong characters ng naturang manga. Tulad nga ng inaasahan, non-sense rin ang mga sagot ng kanyang kaibigan. Kung kaya pinahinto na lamang siya para hindi na niya babuyin ang ilang pahina.
Nang lumapit sa kanya si Yuuko at humingi ng tawad dahil sa pagkatapon ng tinta sa isang pahina, tuluyan na siyang nawalan ng pasensiya.

Habang nagwawala si Mio sa kanyang bahay, nagpapakasaya naman si Nano sa paglalaro ng taguan sa kanilang bahay (Teka, ambilis mo naman nakauwi?) kasama sina Hakase at Sakamoto, na tila’y enjoy na enjoy maski naninindigan na hindi siya pumapatol sa mga gawain ng mga bata.

Unang nakita ni Nano si Sakamoto na nagtatago sa loob ng isang kahon, wari bang ginagaya niya ang isang character sa isang video game. Ilang oras na ang nakalipas at hindi pa nila makita si Hakase. Lingid sa kanilang kaalaman ay nagtatago pala ang batang propesor sa isang maliit na bodega sa pader ng kanilang bahay. Tuwang-tuwa siya na hindi siya gaano makita. Subalit nawala na lamang ang kanyang ngiti matapos marinig na tumigil na sila sa paghahanap, sa pag-aakalang nagtatago pala sa labas.
Agad naman lumitaw mula sa kanyang pinagtataguan itong si Hakase at lumapit kay Nano…para suminga (Akala ko naman, iiyak ka na at sasabihin na “I’m sorry. Hindi ko na uulitin“)! Nang Sakamoto naman ang gustong maging taya ay bigla namang umalis ang dalawa. Kawawang Sakamoto!
Maging si Mai ay bigla na ring umuwi sa kanyang bahay (Teka, nakakaasar naman ung aso mo…..)
Inabot na ng gabi at hindi pa rin natatapos ang BL manga. Patuloy pa rin nagwawala si Mio, hindi dahil sa mga kasablayan ng kanyang mga kaibigan, kundi dahil sa paggu-good time mismo ni Yuuko (Aba! Lumelevel up na si ineng!) At natigil lamang ang kanyang pagwawala nang maipakita sa kanyang ang pinabibili niyang mga manuscript manga paper.
MORAL LESSON: Think Before You Click Amok.
IMPRESYON:
Hindi yata ito ang unang pagkakataon na nakatutok sa iisang skit ang Nichijou. Ngunit ito na marahil ang pinakamahabang skit na ipinakita nila sa ngayon. Naalala ko tuloy ang si Hiyori Tamura ng Lucky Star, kung saan gumagawa rin siya ng mga Yaoi at Yuri doujinshi. Ang pinagkaiba lang ay walang takot na ibinahagi ni Mio sa kanyang mga kaibigan ang kanyang talentong gumawa ng ganitong klaseng manga, na tinatangkilik ng mga fujoshi. Oo nga pala, isama na natin sila rito.
Saludo ako sa iyo, Mio Naganohara! Taas-noo mong ipinagmalaki ang iyong “art” at sana maging mabenta ang lahat ng iyong ginawa!
So, what are you waiting for? Gumawa ka na rin ng sarili mong BL manga! Saa, Hajimari Yo!!
SIDE TRACKED:
- Ang guest seiyuu narrator sa episode na ito ay si Mami Koyama bilang manuscript manga paper. Gumanap siyang Lunch/Pasta (ang babaeng nag-iiba ang anyo kapag bumahing) ng Dragon Ball at Karen Kazumi ng X/1999.






25 Aug 2011
Posted by chevalier-kun 









