
Okay, mukhang pinagbigyan nila ang ilang supporting characters na maging bida pansamantala. Mula sa pagbubunyag ng kanilang mga secret crush hanggang sa pagiging “cute” ng isang kontrabida. Sayang, wala munang exposure para kina Nano at Mai.
SA MAY CONFESSION ROOM

Mistulang nasa loob ng confession room ni Big Brother ang mga naging eksena sa loob ng kuwarto ni Misato. Kasama ang kanyang mga kaibigan na sina Weboshi at Fecchan, biglang pinag-usapan ang tungkol sa kanilang love life.
Una nang tinanong siyempre si Misato at tulad nga ng inaasahan ay todo-tanggi pa rin siya kung may namamagitan sa pagitan niya at ni Sasahara.
Tinanong naman ni Weboshi si Fecchan kung sino naman ang kanyang crush, pero sumabat naman si Misato ukol sa ilang bagay na nakita niya sa kanyang boyfriend! Gaya na lamang ng pagpapakain sa kanyang alagang kambing sa kalagitnaan ng malakas na ulan.
At tulad nga ng inaasahan, walang kwenta ang naging sagot ni Fecchan ukol sa kanyang crush.
At ang kanyang sagot?
“Mas gusto ko kayong dalawa dahil mga weirdo kayo…“
FASHION ABILITY?

Habang namimili sa kalapit na pamilihan, biglang nagkita sina Teacher Sakurai at Takasaki. Napansin rin niya na nakadamit-pambahay ang dalagang guro. Ito sana ang pagkakataon ng binatang guro na ipagtapat ang tunay niya saloobing sa kapwa niyang guro. Habang naglalakad kasama ang dalagang guro ay samu’t saring bagay ang gumugulo sa kanyang isip. Gaya na lamang ng pagkakasulat ng kanilang mga pangalan sa isang lover’s umbrella. Nasira na naman ang kanyang mga plano nang biglang lumitaw si Yuuko at nagtanong kung nagde-date sila. Agad naman iyong tinanggihan ni Teacher Takasaki at sa halip ay nagdesisyong mamili na lamang ng murang sibuyas (spring onions).

Samantala, naghihintay sa tapat ng isang supermarket itong si Teacher Nakamura. Ayon sa kanyang pananaliksik, madalas raw mamili sa naturang supermarket ang batang robot na si Nano. Kapag lumabas na raw ang kanyang target ay bigla na lamang niya iyon aatakihin gamit ang kanyang stun gun.
Nagulat na lamang siya nang bigla silang nagkita ni Teacher Takasaki. Tulad ng nangyari kanina, napansin rin ng binatang guro ang kakaibang suot ng weirdong guro. Sinabi niya na mas cute tingnan si Teacher Nakamura kaysa sa tipikal niyang itsura bilang Science Teacher. Dahil dito, namula ang kanyang mukha sa kahihiyan at agad kumaripas ng takbo.
PAGHIHIGANTI?

Hindi ko sukat akalain na muling babalik ang mga uripon (alipin sa salitang Bisaya o Malayo) ni Princess Starla. Sa pagkakataong ito, makakaharap nila ang tunay na may-ari ng dalawang (2) wooden cubes na susi diumano sa pagiging makapagyarihan sa lahat: si Mio Naganohara. Unang lumapit ang isang uripon para sindakin ang dalaga. Subalit bigla na lamang siya sinuntok nang malakas na naging dahilan ng kanyang kamatayan. Lalo na lamang natakot ang lahat ng mga uripon nang bigla namang pinatay ni Mio ang tumayong negosyador na bitbit ang kapirasong cube.
Nang makuha niya iyon, lalo siyang lumakas at isa-isa niyang pinagpapatay ang ilang uripon sa loob ng sasakyan. Hanggang sa makaharap niya si Uripon # 8 na nagawang manlaban para sa kanilang kaligtasan. Subalit sinuntok niya iyon nang malakas at nagtatalbog sa buong sulok ng sasakyan.
Halos nagmamakaawa ang mga uripon na huwag na silang patayin. Ngunit bigla na lang bumalik si Uripon # 8 na patuloy na tumatalbog at binangga si Mio, na siyang nahulog sa butas na kanyang ginagawa. Tulad ng inaasahan, naging parte iyon ng panaginip ni Yuuko!
IMPRESYON
Hindi ko sukat akalain na mabibigyan ng mas mahabang exposure ang ilang supporting characters gaya na lamang nina Mihoshi, Teacher Takasaki at maging ang mga uripon. Absent man ang ating mga bida, nananatili pa rin ang kalokohan at kabaliwan ng naturang anime.
Medyo hindi ko pa rin gets kung ano ang gustong ipahiwatig ng Helvetica Standard. Pero nananatili pa rin ang kakaibang “Short Thoughts”. (Naalala ko tuloy ung isang skit na dati kong naririnig sa isang radyo. Tunog chipmunks, ika nga!)
P.S. Mas cute tingnan si Teacher Nakamura kapag nakadamit-panlalaki siya, kumpara sa pangkaraniwang damit na nakikita natin sa mga nakaraang episode. Wag ka na kasing mahiya! Eh kung hampasin na lang kita ng aking notepad?!
SIDE TRACKED:
- Ang guest narrator sa episode na ito ay si Sumi Shimamoto bilang Lover’s Umbrella. Kilala siyang bilang Sarah Crew ng Princess Sarah at Nausicaa ng Nausicaa of the Valley of the Wind. Gumanap rin siya bilang Kanata Izumi (ang namayapang ina ni Konata) ng Lucky Star.






31 Aug 2011
Posted by chevalier-kun 









