
Medyo nakakaumay ang ika-24 na episode, dahilan sa pansamantala naging bida itong si Koujirou Sasahara. Ano kayang mga kaartehan at katarantaduhan ang ipapakita niya ngayon?
Kung tutuusin, wala namang mali sa ginagawa ng naturang binata. Libre nga naman ang mangarap ika nga. Sa kabila ng kanilang kahirapan, hindi niya iyon ipinapakita sa kanyang mga kaklase at sa halip, idinadaan na lamang iyon sa pamamagitan ng pag-asta niya na parang isang heredero o dugong-bughaw.

Subalit habang tumatagal, lalo lamang akong naasar sa ilang bagay na ipinapakita niya. Gaya nga ng ilang tauhan ng naturang anime, may pagka-engot rin itong si Sasahara. Kahit na madalas siyang gawing punching bag ng kanyang kaklase (at ang secret lover) na si Misato, kalmado pa rin siya at nagagawa pa niyang kausapin nang mahinahon. Naku, nagawa na pala niyang magalit nang may nagtangkang paalisin ang kanyang alagang kambing sa loob ng kanyang paaralan.
Pero in fairness, may itsura naman siya maski paano. Halos maihawig na nga siya kay Keima Katsuraga ng Kami Nomi. Ang pinagkaiba lang siguro, hindi gaano mahilig sa dating games ang batang heredero. Hindi nakakapagtataka kung bakit marami ang nagkakagusto sa kanya. Kabilang na diyan sina Misato at maging si Mio.
Hindi tulad ni Misato ay hindi gaano kinakausap ni Mio ang batang heredero, dahilan sa magkaiba ang kanilang section. Gusto man niya na batiin ngunit dahil sa kaba ay hindi niya iyon gaano maisagawa. Kung kaya idinadaan na lamang niya sa pagguhit ng ilang BL manga, kung saan siya ang naging modelo.

Hanggang sa dumating na ang pagkakataon na magkausap ang dalawa nang magkita sila sa isang vending machine ng kanilang paaralan. Nagkataong nakuha ni Sasahara ang baryang gagamitin sana ni Mio na pambili ng maiinom para sa kanyang kaibigan na si Yuuko.

*sigh* Imbes na isauli ang barya, ginamit na iyon para makabili mismo ng kanyang maiinom!! Siya nga pala. Galing pala kay Yuuko ‘yang baryang iyan. Alam natin na may balat sa butt ang kaibigan ni Mio. Kung kaya, nahawaan na marahil ng kamalasan ni Yuuko itong si Sasahara. Sa halip na isang baso, isang patak lang ang kanyang nakuha. Teka, parang nakita ko na ang eksenang ito dati? Maski nakakahiya ang pangyayari, nagkaroon pa rin pagkakataon na makapag-usap si Mio at Sasahara. Sa loob lamang ng ilang minuto, napanatag na si Mio dahilan sa nakausap niya ng personal ang taong pinakamamahal niya.
Isa na lamang ang iniisip ko hindi lamang sa naturang episode, kundi sa naturang anime: Sino nga kaya sa dalawa ang napupusuan ni Sasahara? Maski may pagkatanga naman siya ay marunong naman marahil siya na magmahal ng isang tao. Para sa akin….WAG NA NGA MUNA!
ABANGAN: Ano kaya ang mangyayari kapag nalaman ni Mio ang tungkol sa relasyon nina Sasahara at Misato?
A – Sayaka Miki Route (Mamumuo ang sama ng loob at mapipilitang mamuhay nang mag-isa at hindi gaano umaasa sa kanyang mga kaibigan)
B – Barnaby Brooks, Jr. Route (Kagaya ng naunang sagot, ngunit maghihiganti siya lalo na kay Misato; Gagawin niya lang ang lahat, maangkin niya ang pinakamamahal niyang si Sasahara)
C – Wala sa mga nabanggit
Ang sagot… Malalaman niyo sa ika-25 na episode ng Nichijou! Hanggang sa muli!
SIDE TRACKED:
- Ang guest seiyuu narrator sa episode na ito ay si Ichiro Nagai bilang [Ang Batas ng] Vending Machine. Gumanap siya bilang Karin ng Dragonball Trilogy at Happousai ng Ranma 1/2.






26 Sep 2011
Posted by chevalier-kun 









