
Dahilan sa naputulan kami ng koneksyon sa internet (Ang mahal, eh!), hindi ko gaano nagawa agad ang ika-25 na episode. Pero ngayon, muling naibalik ang naturang koneksyon at ating talakayin ang samu’t saring kalokohan ng ating mga bida sa huling 2 episodes ng Nichijou.
The World Koujirou Sasahara Only Knows? (Part II)
Aamin ko. Mas bagay ang tambalang Sasahara at Misato. Kung maihambing natin sa tambalang Sosuke Sagara at Kaname Chidori ng Full Metal Panic, magkahalong asar at kilig ang madalas kong maisip sa tuwing nakikita ko sila. Pagkaasar dahil sa katangahan ni Sasahara at pagkakilig dahil sa pagiging tsundere ni Misato.
At ang ika-25 na episode ay naging pagkakataon para sa babaeng warfreak na makasama ng lubusan ang munting mahadero, este, heredero. Simple lang ang nangyari: hindi sinasadyang basagin ni Misato ang salamin sa mata ni Sasahara. Kung kaya hinatid na lang niya papalabas ng paaralan ang taong minamahal niya. Subalit hindi niya alam na “props” lamang ang salamin at nakakakita pa pala si Sasahara!

Habang kinikilig ang ilan na minamasdan ang dalawa, mapapansin natin si Mio na nadurog ang kanyang puso. Oo. Parang pinagsukloban siya ng langit at lupa nang makita niya magkahawak-kamay ang magsing-irog. Dahil dito, kumaripas siya ng takbo papalabas ng paaralan. Habang sinusundan ni Yuuko, halos naikot na nila ang buong bayan! Hanggang sa tumalon si Mio sa may ilog at nagawa pang iligtas ang isang nalulunod na bata! Matapos nito, biglang kumalma ang dalaga dala na nga ng sobrang pagod.
Maski nagawa pang ngumiti sa harap ng kanyang mga kaibigan, hindi pa rin niya gaano maitatago ang sakit na nararamdaman niya nang makita ang kanyang minamahal na may kasama nang iba. Agad naman iyon napansin nina Yuuko, Mai at Nano. Para mapasaya ang kanilang kaibigan, naghandog sila ng isang munting regalo. Agad naman napaluha sa tuwa si Mio at muling nabuhayan ng loob.

Kung kaya ang tamang sagot sa aking tanong noong nakaraang episode ay letrang C. Hindi naman gaano sumama ang loob ni Mio sa nangyari, hindi gaya ng ginawa nina Sayaka at Barnaby. Bagkus, nagawa niyang malampasan ito sa tulong na rin ng kanyang mga kaibigan na handing dumamay sa oras ng problema. Mapalad ka, Mio na mayroon kang mga tapat na kaibigan gaya nina Mai, Yuuko at Nano.
Happy Birthday, Nano!

Sa huling episode, isang munting salu-salo ang naganap sa Shinonome Laboratory. Iyon ay para sa kaarawan ng kanilang kaibigan na si Nano. Hindi masyado alam nina Yuuko, Mio at Mai ang eksaktong araw ng kaarawan ng batang robot. Ngunit lingid sa kanilang kaalaman, iyon na mismo ang araw ng “pagkakagawa” sa kanya!
Tila natuto na rin si Nano ukol sa kanyang katauhan. Matatandaan natin na gusto niyang maalis ang wind key na nakakabit sa kanyang likod para mamuhay siya nang normal. Ngunit nagbago ang ihip ng hangin simula noong makapag-aral at nagkaroon ng mga bagong kaibigan ang batang robot. Kung kaya napagdesisyunan niya na panatilihin na lamang iyon. Maski madali na iyon maitanggal, hindi na niya iyon aalisin. Sapat na sa kanya ang pagkakaroon ng kaibigang nakakaintindi sa kanyang damdamin at nagbibigay sa kanya ng kasiyahan.

Sa huli, masaya nila naipagdiwang ang kaarawan ni Nano na may kaunting “kalat” sa loob ng laboratoryo.
Happy Birthday sa iyo, Nano! Chup! Chup!
Huling Impresyon
At iyon na nga! Mula sa isang masalimuot na simula ay humantong sa isang simple ngunit makabagbag-damdamin na pagtatapos. Inaasahan na ko noong una na sabay-sabay na pupunta sa Shinonome Laboratory ang tatlong dalagita ngunit hindi ko alam kung paano. Hanggang sa nagawa nilang maipagdiwang ang kaarawan ng batang robot at sa huli, lalong tumibay ang kanilang pagsasama.

Ang tanging bagay na natutuhan ko sa Nichijou ay ang pagtanggap sa iyong tunay na pagkatao. Gaya na lang kay Nano. Gusto niyang maalis ang tanging bagay na nagbibigay ng takot at kawalan ng tiwala sa kanyang sarili. Ngunit sa tulong ng kanyang mga kaibigan, buong-puso niyang tinanggap ang tunay niyang pagkatao.
Maraming nakakatuwang bagay ang nasulyapan ko sa naturang anime makalipas ang anim (6) na buwan. Mula sa paglalaro ng Jack-en-Poy hanggang sa pagtuklas sa kakaibang laro. Maging sa pag-ibig ng isang warfreak at ng isang mahadero, ay shooka, feeling heredero hanggang sa walang katapusang kamalasan ni Yuuko. Teka lang. Pansamantala pala siyang sinuwerte sa huling episode! Silang lahat ang nagbibigay-kulay sa bawat episode ng Nichijou. Dahil dito, hindi ko ito gaano pagsasawaang panoorin ng maraming beses, gaya na lang ng ginagawa ko ngayon parati kina Madoka at Kotetsu!
Maraming salamat, KyoAni, sa paglikha ng natatanging anime gaya ng Nichijou. Marami ring salamat sa mga citiZENs na sumubaybay at nakibasa sa aking kauna-unahang episodic blog sa ZEN. Maraming salamat po!
SIDE TRACKED:
- Ang huling guest seiyuu narrator na narinig niyo sa episode 25 ay si Keiko Yokozawa bilang Wind Key ni Nano. Gumanap siya bilang Dorami, ang kapatid ni Doraemon.
The following review from our columnist chevalier-kun was actually a re-posting of his article made last October 04, 2011. We apologize for the oversight and for the error in publication.






04 Oct 2011
Posted by bakamann 











